Nurse dedo sa bus

Nasawi ang isang 34-anyos na nurse ng Phil. General Hospital (PGH) matapos itong mabundol ng bus habang tumatawid papasok sa nasabing ospital, kahapon ng umaga sa Ermita, Maynila.

Namatay bago pa man idating sa PGH ang biktimang si Jasmin Tunggol, may-asawa ng #1278 Masinop St., Tondo sanhi ng matinding pagkasagasa.

Kaagad namang sumuko ang driver ng San Agustin bus na si Juan Anasco at residente ng Paliparan Uno, Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni Inspector Leonardo Vitug ng Traffic Management Group, dakong alas-5:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa mismong harapan ng pagamutan sa Taft Avenue.

Papatawid na ang biktima patungo sa papasukang pagamutan nang hindi nito napansin ang paparating na San Agustin bus na may plakang TYG-489 at may body number na 8846 na minamaneho ni Anasco.

Dahil sa lakas nang pagkabundol ay tumilapon ng may ilang metro ang biktima na nagresulta sa pagkabagok ng kanyang ulo.

Ipinagtataka naman ng mga awtoridad kung bakit mabilis ang pagpapatakbo ni Anasco sa pampasaherong bus gayong may stop light sa harapan ng PGH.

Kasalukuyang nakapiit ang suspect habang inihahanda ang kaso laban dito. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments