Motorsiklo vs jeep: 2 patay

Dalawa katao ang nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang pampasaherong jeep kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Kapwa walang suot na helmet ang mga biktimang sina Arnold Galiz, 22, estudyante at Glenn Edma, 30, residente ng 1245 Gardenia St., Brgy. Poblacion habang nasa kritikal namang kalagayan ang nagmamaneho ng motorsiklo na si Ronald Galiz, 18, sa pinaglipatang pagamutan sa Saint Martin de Porres Hospital.

Agad namang sumuko sa pulisya ang driver ng pampasaherong jeep na biyaheng Guadalupe-Leon Guinto na may plakang PWC-732 na si Pedro Magos, Jr., ng 2304 Tenorio St., San Andres, Manila.

Batay sa ulat, dakong alas-5:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng J.P. Rizal Avenue at Nicanor Garcia habang tumatahak galing Kalayaan Avenue ang mga biktima lulan ng Honda XRM (PQ-3354) samantalang pasalubong naman sa kanila ang pampasaherong jeep.

Pagdating sa kanto ng J.P. Rizal at Nicanor Garcia, ay biglang nagsalpukan ang dalawang sasakyan na naging dahilan ng pagtilapon ng tatlong sakay ng motorsiklo at nakaladkad pa ang kanilang sinasakyan.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Arnold, habang hindi na umabot nang buhay sa pagamutan si Edma. (Angie dela Cruz)

Show comments