Abusadong talyer owner, target ng MMDA

Bilang na ang araw ng mga abusadong talyer na ang ginagawang gawaan ng mga sasakyan ay ang mga kalye at bangketa sa Metro Manila.

Nagbabala na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang mga talyer na ito na perwisyo sa mga lansangan ang target ngayon ng kanilang operasyon.

Bukod sa pagmumultahin ang mga ito at dalhin pa sa kanilang impounding area ang mga kotse at mga sasakyan na kinukumpuni at pinipinturahan sa mga kalye at bangketa.

Kaugnay nito, inatasan ni MMDA Chairman Bayani F. Fernando ang Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) na magsagawa ng isang linggong operasyon para linisin ang mga kalye sa nakahambalang na mga sasakyan matapos gamitin na extension ng ilang talyer sa kalakhang May nila.

Nilinaw ni Fernando na walang ipinag-iba sa illegal sidewalk vendors at mga squatter sa tabi ng estero ang mga talyer na gumagamit ng extension sa sidewalk at kalye para sa kanilang negosyo.

Kasabay nito, ipinanawagan ni Fernando sa mga Metro Mayors na huwag bigyan ng permiso ang mga may-ari ng talyer kapag gumamit ang mga ito ng kalye.

Nilinaw ni Fernando na pag-aari ng mga motorista ang kalsada at sa pedestrian naman ang sidewalk kaya’t walang puwang dito ang mga negosyante na mahilig makalibre ng pwesto sa kanilang negosyo.

Nabatid na sinasamantala umano ng mga may-ari ng talyer ang mainit na sikat na araw sa panahon ng tag-init upang matuyo kaagad ang masilya at primer sa mga pipintahang sasakyan upang kanilang mabugahan kaagad ng finishing touches ng pintura.

Marami ng reklamo ang nakarating sa tanggapan ng MMDA kaugnay sa ginagawang pagbubuga ng pintura ng ilang mga may-ari ng talyer sa mismong kalsada kung saan nalalanghap, hindi lang ng mga pedestrian kundi maging ng mga naninirahan sa kalapit na lugar ang masangsang na amoy ng mga pintura ng sasakyan. (Angie dela Cruz)

Show comments