5 tulay itatayo ng MMDA

Upang higit na mabigyan ng maayos na serbisyo ang publiko, limang karagdagang konkretong tulay na magdurugtong sa Pasig River ang nakatakdang itayo ng Metropolitan Manila Development Authority(MMDA) sa Maynila, Mandaluyong at Makati City.

Gayunman, sinabi ni MMDA Chairman Bayani F. Fernando na magsasagawa muna ang kanyang tanggapan ng kaukulang paglilinis sa mga illegal settlers at paglilinis ng basura sa mga ilog at waterways sa mga nabanggit na lungsod bago mapasimulan ang naturang proyekto.

Ayon kay Fernando, ang bagong infrastructure projects ay bahagi ng inter-agency long term plan ng tanggapan para maisaayos ang Pasig River bukod pa sa rehabilitasyon na ipatutupad dito. Kinumpirma ng MMDA na manggagaling sa DPWH ang pondong gagastusin sa pagtatayo ng limang bagong tulay sa Metropolis.

Hinihintay naman ng MMDA ang kasunod na pagpapalabas ng pondo mula sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) para magamit sa kanilang operasyon na paglilinis sa Pasig River. Binalaan din ng MMDA ang mga barangay officials na nagbibigay ng proteksiyon at basbas sa mga squatter na magtayo sa tabi ng mga daluyan ng tubig.

Hiniling ni Fernando sa mga barangay captains na mag-ikot sa kanilang nasasakupan at sila na ang sumita at magpa-alis sa mga taong naninirahan partikular sa mga nagtayo ng bahay sa mismong daluyan ng tubig. (Angie dela Cruz)

Show comments