Dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Ricardo Elveña, 50, residente ng No. 23 Bago Bantay, Quezon City matapos na magtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa ulo, habang ginagamot naman ang kapatid nitong si Romeo, 46 sa nasabi ding ospital. Inilipat naman at ginagamot sa Chinese General Hospital si William Raymundo, na kakandidatong mayor sa Abra.
Ayon kay Chief Insp. Estrella, hepe ng Mobile Division ng MPD, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali habang kumakain ang mga biktima sa Itcho Pares sa ibaba ng gusali ni Singson sa panulukan ng Diamante at San Andres Sts., San Andres Bukid, Maynila.
Sa pahayag naman ni Rosal Elveña, 48, kapatid ni Ricardo, kasalukuyan silang kumakain nang biglang dumating ang isang motorsiklo at lulan ang tatlong hindi pa nakikilalang lalaki.
Isa sa mga suspect na nakabarong ang bumaba ng motorsiklo at bigla na lamang pinaputukan si Raymundo at ang magkapatid na Elveña. Mabilis namang nakatakbo at nakapagtago si Rosal.
Sinabi ni Rosal na wala naman silang alam na kaaway ng kanyang mga kapatid o maging ni Raymundo maliban sa ito ay tatakbong alkalde sa Abra. Hindi naman namukhaan ni Rosal ang bumaril na suspect dahil na rin sa bilis ng pangyayari.
Lumilitaw na kaluluwas pa lamang ng mga biktima sa Maynila kung saan nagkaroon pa ito ng pakikipagtipon kamakalawa kay Ilocos Sur Governor Singson. (Doris Franche)