PNP maglalabas ng reward

Kinukonsidera ng Philippine National Police na maglaan ng reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkakaaresto kay Bayan Muna Partylist Representative Satur Ocampo hinggil sa kinasasangkutang 15 kaso ng murder laban dito at 52 iba pa.

Ang pahayag ay sinabi kahapon ni PNP Spokes man, Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr., para magkaroon ng interes ang mamamayan at madaling makapagbigay ng impormasyon para sa agarang pagkadakip nito.

Nilinaw naman ni Pagdilao na normal police operation lamang sa pagsi-serve ng warrant of arrest sa isang wanted person ang kanilang ginagawa kay Ocampo dahil wala namang special unit na binuo ang PNP para ito hanapin.

Magtutuluy-tuloy din anya ang kanilang operasyon laban kay Satur at hindi sila maghihintay na sumuko ito.

Ipinagtanggol din ni Pagdilao ang umano’y trespassing ng mga pulis sa bahay ni Ocampo sa Heroes Hill sa Quezon City at sinabing legal na police operation ang ginawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group.

Ipinaliwanag ng opisyal na sapat na ang warrant of arrest bilang legal justification upang pasukin ang isang lugar na inaakalang pinagtataguan ng sinumang pinaghahanap ng batas.

Samantala, inihayag ng PNP na ipinakita lamang ni Ocampo ang uri ng pagkataong mayroon ito nang hiind siya sumuko sa kanyang itinakdang araw.

Bagaman, hindi anya nila pinanghahawakan ang naging ultimatum ni Ocampo, kusa na anyang lumabas ang karakter nito nang siya mismo ang sumira sa kanyang salita.

Matatandaang sinampahan ng kasong 15 counts of murder sa Leyte si Ocampo kabilang ang may 52 iba pa na kinabibilangan ng Founding Chairman ng CPP-NPA na si Jose Maria Sison at ilan pang matataas ng opisyal sa pagkakatagpo ng 67 na kalansay sa isang grave yard sa Leyte kung saan 15 dito ang nakilala na pinaslang ng makakaliwang grupo sa pagitan ng 1980 hanggang 1990 kung saan si Ocampo ay isa sa mataas na opisyal ng grupo. (Edwin Balasa)

Show comments