Dalaga hinoldap, hinalay saka pinatay

Isang 28-anyos na dalaga na pinaghihinalaang hinalay, pinagnakawan at saka pinatay ang natagpuang nakahandusay sa harap ng isang gusali sa Makati City, kahapon ng umaga.

Batay sa ulat, dakong alas-6 ng umaga nang tumambad sa mga pedestrian ang duguang bangkay ng biktima na nakilala sa pangalang Jasmin Sevilla, 28, ng no. 37 Kanayan St., Manuella Subdivision, Pamplona III, Las Piñas City na nakahandusay sa kahabaan ng Pasong Tamo Ext., sa harapan ng Rima Bldg., Magallanes, sa nabanggit na lungsod.

Sa ulat ni SPO1 Lewely Cristobal, ng Makati City Police, posibleng biktima ng holdap at panggagahasa ang dalaga, bukod dito ay pinagnakawan pa ito makaraang kunin ng salarin ang lahat ng gamit at maging ang ID nito.

May malaking sugat sa ulo ang biktima na pinaniniwalaang dulot nang pagpalo dito ng matigas na bagay ng salarin na naging dahilan ng kamatayan nito.

Ang biktima ay kinilala ng kanyang ama na si Ernesto na noo’y papasok pa lamang sa trabaho nang makita ang bangkay nito.

Isang masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Angie dela Cruz)

Show comments