35-anyos niratrat sa bilyaran

Namatay noon din ang isang 35- anyos na lalaki, habang sugatan ang isa pa matapos na ratratin ng isa sa dalawang kalalakihan ang una habang nanonood ng larong bilyar sa lungsod ng Caloocan kamakalawa.

Nakilala ang nasawing biktimang si Noli Ramos, may-asawa ng Sunflower St., Sto. Niño de Maligaya ng nabanggit na lungsod. Sugatan din ang isang 17 anyos na batang si John Paul del Castillo na tinamaan ng ligaw na bala sa katawan at ngayon ay ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC).

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga tumakas na suspek.

Ayon sa ulat, naganap ang pamamaril ganap na alas-8:30 ng gabi sa loob mismo ng billard hall na matatagpuan sa Sunflower St., malapit sa lugar ng biktima.

Sinasabing kasalukuyang nanonood ng mga naglalaro ng bilyar si Ramos nang dumating ang dalawang lalaki kung saan isa rito ay armado ng kalibre .45 na baril at biglang pinagbabaril ang una, saka tumakas. (Ricky Tulipat)

Show comments