Jobless, nagpakamatay sa pagtalon sa ilog

Nagpakamatay sa pamamagitan nang pagtalon sa ilog ang isang babae kahapon ng umaga sa Makati City. Nakilala ang nasawi dahil sa pagkalunod na si Matilde Orasal, 24. Ayon sa report, dakong alas-7:00 ng umaga nang makitang tumalon ang biktima sa ilog sa may Brgy. Pineda at Guadalupe sa Makati City .

Lumalabas sa imbestigasyon na isang Elmer Perez, ferry boat operator ang nakakita sa pagtalon ng biktima sa nasabing lugar. Ayon kay Perez, nakita niyang tumungo ang biktima sa may gilid ng Ilog Pasig at nagulat na lamang siya nang bigla itong tumalon. Agad naman siyang tumawag ng tulong mula sa coast guard upang sagipin ang biktima ngunit hindi na naisalba pa ang buhay nito.

Ayon sa pahayag ng kapatid nitong si Jerry, wala naman siyang nalalamang problema ni Matilde at aniya nakasalo pa niya ito sa hapunan kamakalawa. (Angie dela Cruz)

Show comments