Sa 12-pahinang desisyon ni Associate Justice Renato Corona ng First Division, kinatigan ng hukuman ang petisyon ng party-list group Social Justice System at mamamayan ng Maynila sa pangunguna Vladimir Alinigue Cabigao at Bonifacio Tumbokon na dapat ipatupad ni Manila Mayor Lito Atienza ang inaprubahang city ordinance no. 8027 na nagpapaalis sa mga oil depot ng big 3 oil companies sa Pandacan.
Inaprubahan ng konseho ng Maynila ang city ordinance 8027 noong November 2001 na nagkaklasipika sa Pandacan at Sta. Ana districts bilang commercial area mula sa pagiging industrial area kaya dapat umalis na rito ang mga oil depot ng Petron, Pilipinas Shell at Caltex subalit mariing tinutulan ito ng mga oil companies.
Kinatigan din nina Chief Justice Reynato Puno, Associate Justices Angelina Saldoval-Gutierrez, Adolfo Azcuna at Cancio Garcia ang naging desisyon ng 1st division.
Hindi naipatupad ni Mayor Atienza ang nasabing ordinansa matapos pumasok ito sa isang Memorandum of Agreement (MOU) sa Department of Energy at mga oil companies na pinapayagan munang mag-scale down ang mga oil terminals kung saan ay unti-unting aalisin ng mga oil companies ang kanilang 28 tanks ng liquified petroleum gas kasabay ang pagtatayo ng mga safety buffer.
Kinatigan naman ng konseho ang MOU sa pamamagitan ng council resolution 97 epektibo sa loob ng 6 na buwan mula July 25, 2002 hanggang Enero 30, 2003 subalit binigyan pa rin ng extension ng konseho kasabay ang panawagan na repasuhin ang ordinance no. 8027.
Samantala, ipapatupad anumang oras ngayon ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang kautusan ng Korte Suprema na ipatupad ang ordinansang naglilipat sa Pandacan oil depot. (Rudy Andal at may dagdag na ulat ni Gemma Amargo-Garcia)