Re-routing plan sa EDSA inilatag

Dahil sa nakatakdang selebrasyon ng ika-21 taong anibersaryo ng People Power 1 sa EDSA, inilatag ang re-routing at pansamantalang isasara ng City Traffic Bureau ang ilang kalsada, partikular sa harap mismo ng People Power Monument ngayon.

Sa pahayag ni Quezon City Traffic Chief Supt. Norber Babagay, alas-5 ng madaling-araw ay ipatutupad na ng kanyang tanggapan kasama ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority at city department office ang pagsasara ng ilang kalsada upang bigyang-pagpupugay ang nasabing selebrasyon kung saan mag-uumpisa ng flag ceremony.

Kasunod nito, magpapalabas din ng re-routing plan upang maging maayos ang trapik sa bahagi ng People Power Monument.

Sa naturang re-routing plan, lahat ng sasakyang magtutungo sa direksyon ng Cubao ay kakanan sa Ortigas Avenue, kaliwa sa E. Rodriguez at Boni Serrano, bago makabalik sa EDSA.

Ang lahat naman ng sasakyang patungo sa south-bound ng Makati ay nangangailangang kumanan sa Aurora Blvd. (Santolan Road), kaliwa sa Gilmore Avenue patungo sa Ortigas Avenue.

Ayon kay Babagay, ang re-routing plan ay paraan upang hindi na maabala pa ang mga motoristang magdaraan sa mga nasabing lugar at maginhawa ang mga itong makakapagbiyahe nang walang aberya.

Kaugnay nito, nilinaw ni Babagay na matapos ang programa ay agad din itong bubuksan sa mga motorista. (Ricky Tulipat)

Show comments