Kelot lumaklak ng pesticide, tigok
February 24, 2007 | 12:00am
Dahil sa pinaniniwalaang pagkabagot sa buhay dahil sa kawalan ng trabaho, nagpakamatay ang isang lalaki sa pamamagitan ng pag-inom ng lason sa Caloocan City, kahapon ng umaga. Bumubula ang bibig at patay na nang matagpuan ang biktima na kinilalang si Romeo Fulgencio ng Calamansi St., Pangarap Village, Brgy 182. Dakong alas-6 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Fulgencio matapos na umano’y uminom ng kemikal na Malathion, ang pesticide na gamit na pampeste sa halaman. Sa imbestigasyon ng pulisya, huli umanong nakitang buhay ang biktima na mag-isang umiinom ng alak sa loob ng kanyang bahay. Bago ang pangyayari ilang araw nang napapansin ang pagiging malungkutin ng nasawi gawa na rin ng matinding problema nito sa pananalapi. Narekober ng mga imbestigador sa tabi ng biktima ang dalawang bote ng alak at naturang pesticide na ginamit sa pagpapatiwakal. Nagsasagawa pa ng pagsisiyasat ang pulisya sa kaso kung may naganap na foul play sa insidente. (Ellen Fernando)
Isang negosyante ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District matapos na magkapikunan habang nag-iinuman kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod. Patay na nang idating sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Mark Joseph Temblador, 42, ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City matapos na magtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa katawan. Kusang-loob namang sumuko ang suspect na si SPO3 Vitaliano Facultad, 48, desk officer ng Sangangdaan Police Station. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa loob ng compound ng bahay ng suspect. Nabatid na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ang suspect kasama ang mga bisita kabilang ang biktima nang maungkat ang kanilang fraternity na Alpha Phi Omega. Hindi nagustuhan ng suspect ang pag-uungkat sa isyu na humantong sa pagtatalo hanggang sa pagbabarilin ng pulis ang biktima. Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspect. (Doris Franche)
Arestado ang isang 27-anyos na lalaki makaraang maaktuhan itong ninanakaw ang bag ng isang ginang na nagdarasal sa loob ng simbahan kahapon ng umaga sa Marikina City. Ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa Marikina detention cell habang inihahanda ang kasong theft laban dito ay nakilalang si Michael Reyes ng La Colina Subd. Antipolo City. Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:20 ng umaga sa loob ng Our Lady of the Abandoned Church sa Brgy. Sta. Elena ng nasabing lungsod. Nabatid na pumasok ang biktimang si Teresita Nagoy, 52, empleyada ng bangko at inilapag nito ang dalang bag sa upuan. Habang taimtim sa pagdarasal ang nakaluhod na biktima ay sinamantala naman ito ng suspect at dahan-dahang ninakaw ang bag nito. Subalit lingid sa suspect ay nakita pala ng isang bata ang kanyang ginawa na siyang nagsumbong sa mga kalalakihang katabi kaya natimbog ang suspect na papalabas na ng simbahan. (Edwin Balasa)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended