Gayunman, hindi naman dumating ang inaasahang si Calixto dahil sa wala siyang kasama mula sa tanggapan ng DILG na magsisilbing escort nito para muling bumalik sa kanyang puwesto.
Dakong alas-9 ng umaga nang i-deploy ang humigit-kumulang sa 50 pulis para magpatupad ng mahigpit na seguridad at pigilan ang posible na namang karahasang maaaring maganap.
Bago ito nagkaroon ng pagpupulong sa pagitan ng kasalukuyang alkalde na si Allan Panaligan at SPD director Chief Supt. Roberto Rosales na mapayapang ihatid si Calixto sa loob ng city hall sakaling may iprisinta itong dokumento o TRO mula sa CA na nagsasabing pwede na itong bumalik sa puwesto.
Nagkaroon ng pagsisikip sa daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan sa Pasay City matapos isara at harangan ng concrete barrier ang ilang bahagi ng kahabaan ng Harrison St. Dahil dito nagkaroon ng emergency re-routing sa nabanggit na lungsod.
Magugunitang si Calixto ay kasamang nasuspinde n1i Pasay Mayor Peewee Trinidad kasama pa ang may 11 konsehal sa lungsod kaugnay sa maanomalyang multi-million kontrata sa basura.
Sa mga sinuspinde ng Ombudsman si Calixto lamang ang nabigyan ng TRO habang sina Peewee at mga konsehal ay tuluyan na ngang dinismis sa posisyon at hindi na rin pinayagan pang tumakbo sa anumang posisyon sa darating na halalan.
Samantala nilinaw naman ng DILG na maaari lamang italaga bilang bise alkalde si Calixto matapos itong makakuha ng 60-araw na TRO.
Ayon kay DILG Undersecretary Wencelito Andanar, puwede lamang makuhang muli ni Calixto ang kanyang dating puwesto base na rin sa kanyang naging apela sa CA ____dahil ang puwesto ng mayor ay okupado na ni Allan Panaligan na nanumpa na ng permanenteng posisyon matapos na idismis si Trinidad.
Bukod dito, sinabi ni Andanar na wala pang natatanggap na kopya ng TRO ang DILG kung kaya’t hindi pa nila naipatutupad ang muling pagbabalik sa puwesto kay Calixto.
Bunga nito, maaari na muling mag-assume ng kanyang tungkulin sa city hall ng Pasay si Calixto sa Lunes.
Sa isa namang radio interview, sinabi ni Calixto na hahawakan niya ang mayoralty post bunsod na rin ng "law of succession."
Ngunit iginiit ni Andanar na hindi naman maaaring pagbatayan ni Calixto ang "law of succession" dahil hindi naman ito ang nakasaad sa kanyang petisyon kundi ang pagpapalabas ng TRO para sa kanyang dismissal bilang Vice Mayor. (Lordeth Bonilla At Doris Franche)