Tauhan ng MMDA patay sa mga vendor

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang security aide ng MMDA ng isa sa mga pinaniniwalaang illegal sidewalk vendor habang ito ay naka-duty kamakalawa ng gabi sa Parañaque City. Hindi na nakarating ng buhay nang isugod sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Eddie Melijon, 46, ng Las Piñas City na nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril. Samantala, isa sa mga suspect ay nadakip na ng pulisya, na nakilala lamang sa pangalan nitong Sadruden Saliwaton. Ngunit ang talagang "gunman" ay kinilalang isang alyas Faizal ay pinaghahanap pa rin ng mga pulis. Sa imbestigasyon ng Parañaque City Police, naganap ang insidente dakong alas-8:20 ng gabi sa panulukan ng Bayanihan St., at Roxas Boulevard, Barangay Baclaran, Parañaque City. Habang naka-duty at binabantayan ng biktima ang nabanggit na lugar upang hindi ito mapasukan ng mga illegal sidewalk vendor nang bigla itong sinugod ng mga suspect at pagbabarilin. (Lordeth Bonilla)

Show comments