DSWD chief ng Pasay City sinuspinde: Patay ‘binukulan’

Matapos umanong "mambukol" ng abuloy sa patay, sinuspinde ni Pasay City Mayor Allan Panaligan ang hepe ng Social Welfare and Development Office dahil sa kasong administratibo matapos itong ireklamo ng ilang residente ng nabanggit na lungsod.

Base sa inisyung order ni Panaligan, sinuspinde nito ng 60 araw bilang head ng Pasay City Social Welfare and Development Office si Imelda C. Calixto-Rubiano kasabay nang pagsasampa ng kasong dishonesty and grave misconduct, paglabag sa Section 22 (a) and (c) of the Civil Service Laws, na may kaugnayan pa rin sa paglabag sa Section 85 ng Local Government Code.

Base sa sinumpaang reklamo ng mga complainant na sina Hermina B. Bajado; Pilar G. Diamante; Shain R. KingKing at Juanito Obera, pawang mga taga-Pasay City, nabatid na nakatanggap umano sila ng tulong o abuloy mula sa tanggapan ng Pasay City Social Welfare and Development Office ngunit ibinunyag ng mga ito na wala silang natanggap na abuloy o pera bilang burial assistance at nadiskubre nila na ang mga resibo ay pawang mga peke umano.

Sa isinagawang imbestigasyon nadiskubre na nagkaroon talaga ng anomalya. (Lordeth Bonilla)

Show comments