LRTA nagsampa ng kaso vs Pasig- SWAT

Nagsampa kahapon ng kasong criminal at administratibo ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) laban sa 12 miyembro ng Pasig Police Special Weapons and Tactics (SWAT) dahil sa umano’y pagsugod sa isa nilang tanggapan noong Pebrero 14 dahil sa awayan sa kontrata. Nagsampa si LRTA chief Mel Robles ng hiwalay na reklamo sa tanggapan ng Ombudsman, National Police Commission (NAPOLCOM), Dept. of Interior and Local Gov’t. chief Ronaldo Puno at kay PNP chief Oscar Calderon laban sa mga miyembro ng SWAT na su mugod sa kanilang istasyon sa Santolan, Pasig bitbit ang malalakas na kalibre ng baril.

Base sa reklamo ni Robles na ipinarating kay Calderon at Puno, kailangan umano ang agarang aksyon at suspindihin ang mga suspect upang hindi nila ma-harrass ang mga witness laban sa kanila at upang hindi na makagawa ng paraan para madaya ang mga mahahalagang dokumento at ebidensya para madiin sila sa kanilang kasalanan. Ang mga akusado ay kinabibilangan nina Sr. Insp Reydante Ariza, SPO3 Andreo Mendez at sampu pang miyembro ng SWAT na nakatakip ang mga name plate na umatake sa opisina ng LRT2 sa Evangelista at Santolan, Pasig City. Nag-ugat ang lesser-tenant problem matapos na tinanggal ng pamunuan ng LRTA ang lease contract nito sa Metro East Grand Transport Federation (MEGATRAF) na pag-aari ni William Juan sa may 2,000 sq.m. na lupa ng LRTA sa Santolan kung saan umuupa sila dito ng P242,000 kada buwan. (Edwin Balasa)

Show comments