Personal na iniharap kahapon kay Manila Mayor Lito Atienza ang mga suspek na volunteers at hired "poster boys" nina Senators Edgardo Angara, Kiko Pangilinan, AKSA at Gabriela Party List groups.
Ang mga naaresto ay naaktuhan ng grupo ni Supt. Roberto Dela Rosa na nagkakabit at nagdidikit ng mga campaign materials sa center islands, poste ng Meralco at kable maging sa mga puno.
Ayon kay Atienza, ang mga stickers at posters ay madumi at mahirap na alisin, samantalang ang mga streamers na nakabitin ay delikado sa mga kable ng kuryente gayundin ang mga nakalagay sa puno.
Iginiit ng Alkalde na hindi nila papayagan ang paglalagay ng mga streamers at stickers maging ang kanila umanong kandidato ay hindi papayagan sa paglalagay ng mga campaign materials dahil sila rin umano ang mahihirapan sa pagtatanggal nito matapos ang eleksyon.
Dahil dito kayat inatasan ni Atienza ang may 13,000 barangay tanod na magbantay lalo na sa gabi at huwag payagan ang mga "poster boys" ng mga kandidato na maglagay ng mga campaign materials.
Inatasan na rin nito si Emmanuel Sison ang Secretary to the Mayor na magpakalat ng listahan ng mga lugar na maaring paglagyan ng mga campaign material.
Binigyan naman ni Atienza ng babala ang mga nahuling "posters boys" bilang kanilang unang pagkakasala subalit sa susunod umanong mahuli ang mga ito ay kanila na itong sasampahan ng kaso. (Gemma Amargo-Garcia)