Ayon kay NCRPO chief Director Reynaldo Varilla, umpisa ngayong alas-6 ng umaga ay nasa full alert status na ang puwersa ng NCRPO. Sinabi nito na bagaman walang direktang banta ng pambobomba ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras.
Nabatid na inatasan na ni Varilla si Manila Police District (MPD) acting director Sr. Supt. Danilo Abarzosa na higpitan ang seguridad sa Comelec Office upang mapigilan ang mga terorista sa anumang banta ng pananabotahe.
Ayon sa opisyal na maliban sa Comelec ay mahigpit ding magbabantay ang mga awtoridad sa mga simbahan, malls, LRT, MRT, bus terminals, daungan, paliparan at iba pang mga matataong lugar.
Nabatid sa opisyal na pinulong niya ang lahat ng mga District Directors ng pulisya sa buong Metro Manila para sa ipatutupad na mahigpit na seguridad.
Ang Comelec ay mahigpit na pinatutukan sa MPD operatives na inaasahang magiging busy na tanggapan para sa gaganaping May 14 elections.
Magugunita na kabilang sa nasakoteng hinihinalang bombers ng mga awtoridad ay ang suspect na si Gamal Baharan, isa sa mga hinihinalang sangkot sa pambobomba sa sumambulat na pampasaherong bus sa may Edsa sa panulukan ng Ayala, Makati City noong Pebrero 14, 2005 pasado alas-7 ng gabi na ikinamatay ng tatlo katao habang mahigit 20 pa ang nasugatan.
Sa tala ng pulisya, si Baharan ay isang hinihinalang notoryus na kasapi ng Rajah Solaiman Islamic Movement (RSIM) na may ugnayan sa Jemaah Islamiyah (JI) terrorist. (Joy Cantos)