Nakilala ang nasawi na si Manuel Benosa, 42, ng Tramo St., Pasay City. Si Benosa ay namatay sanhi ng suffocation habang ginagamot sa Ospital ng Maynila.
Nagtamo naman ng 2nd degree burn si Arlene de Guzman, 28, anak ng operator ng taxi at driver na si Alberto Panilag.
Sa ulat ni SFO2 Wilson Tana ng Arson Division ng Manila Fire Dept., dakong alas-8:29 ng umaga nang magsimula ang sunog sa unang palapag ng 3- storey residential building na pag-aari ng pamilya de Guzman sa 2400 Arellano St., Singalong, Maynila.
Sa salaysay ni Edilberto Fanilag, isa sa driver ng pamilya de Guzman na inuubos ni Benosa ang tagas mula sa tangke ng gasolina ng kanyang minamanehong taxi sa ibaba ng gusali na nagsisilbing talyer nang bigla umano sumiklab ang apoy at sumabog ang taxi.
Nagawa pang makaalis sa ilalim ng sasakyan at makatakbo ni Benosa ngunit nasawi rin nang mahirapang huminga dahil sa nalanghap na makapal na usok.
Nasunog naman ang magkabilang kamay ni de Guzman nang magpumilit itong lumabas mula sa ikalawang palapag ng gusali habang nadamay din ang driver na si Fanilag.
Agad na kumalat ang apoy dahil sa flammable materials sa loob ng talyer hanggang sa tuluyang matupok ang tatlong palapag ng gusali. Tatlo pang taxi na nakaparada rin sa talyer ang natupok ng naturang sunog.
Dakong alas-8:57 ng umaga nang tuluyang maapula ng mga pamatay-sunog ang apoy. Naiwasang madamay ang mga katabing bahay.
Malaki ang hinala ng pulisya na maaaring sa paninigarilyo ni Benosa nagmula ang sunog habang kinukumpuni nito ang taxi na naging dahilan ng pagsabog. (Danilo Garcia)