Tsinoy nilooban na, pinatay pa

Patay sa saksak ang isang negosyanteng Tsinoy habang natangay din dito ang P.7 milyon matapos looban ang pag-aari nitong kumpanya ng tatlong armadong kalalakihan, kabilang umano rito ang isa niyang dating empleyado, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Tinadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging dahilan ng kamatayan ng biktimang si Harry Lim, 44, may-asawa.

Samantala, kaagad namang tumakas ang mga suspect, na ang isa rito ay nakilala sa alyas na Jose na dating tauhan sa kumpanya.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga sa tanggapang pag-aari ng biktima na Hamil Merchandising, na matatagpuan sa Block 6, Lot 24, Macapuno St., Golden Acress Subd, Brgy. Talon, Las Piñas City.

Nabatid na natagpuan ang biktima ng kanyang misis na si Nilda, na duguan at wala nang buhay, kung kaya’t nagsisigaw ito, dahilan upang maalarma ang mga naghahalughog pang mga suspect.

Kaagad na pinuntahan ng mga suspect ang ginang at saka ito tinutukan ng baril at nagdeklara ng holdap.

Samantalang nangangatog sa takot ang ginang na nagtatago sa ilalim ng mesa, ang iba namang suspect ay binubuksan ang kanilang vault hanggang sa nakuha rito ang halagang P700,000 cash.

Halos wala sa sarili ang ginang sa ginawang panloloob sa kanila at tuluyang nakatakas ang mga suspect na tangay ang nabanggit na halaga.

Lumalabas pa sa imbestigasyon ng pulisya, na walang naganap na "forcible entry" kung kaya’t posibleng kakilala ng mag-asawang Lim ang mga suspect.

Sa isang follow-up operation ng mga pulis, napag-alaman na sangkot ang isang dating kawani ng biktima na si alyas Jose kung saan ay hindi na ito pumasok ng trabaho matapos umanong tutukan ito ng baril ng biktimang si Harry. (Lordeth Bonilla)

Show comments