Love triangle: Marine engineer tinodas

Love triangle ang sinasabing dahilan kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang hindi kilalang lalaki ang isang Marine engineer, kamakalawa ng gabi sa Quezon city.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa katawan ang biktimang kinilalang si Gil Barrios, 48, ng No. 3 Gentex St. Litex Ville, Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Division (QCPD-CID), naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng gabi sa Jasmin St., Brgy. Pasong Tamo, QC.

Lumalabas sa imbestigasyon na bago ang pamamaril ay nakita umanong nag-uusap ang biktima at isang babaeng alyas Dang-Dang sa tapat ng isang bahay nang dumating ang hindi pa kilalang suspect.

Nagkasagutan ang suspect at babae na humantong sa mainitang pagtatalo kaya’t tinangka namang mamagitan ng biktima

Ikinagalit ito ng suspect na agad namang umalis subalit ng bumalik ay armado na ng baril at agad nitong pinaputukan ang biktima saka mabilis na tumakas.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga awtoridad para sa ikadarakip sa suspect. (Doris M. Franche)

Show comments