Saksi sa pamamaril ni Leviste lumutang sa NBI

Nagtungo kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nawawalang tauhan ni dating Batangas Governor Antonio Leviste na nagbigay ng kanyang testimonya ukol sa naganap na pagpaslang kay Rafael delas Alas sa Makati City nitong nakaraang buwan.

Dakong alas-3 ng hapon nang magtungo sa NBI-NCR si Manolito Ambrocio, designer/architect umano ni Leviste at kasama ang abogado na si Atty. Ruel Lamba.

Tumangging magbigay ng pahayag sa media si Ambrocio at agad na nakipag-close-door meeting kay Atty. Ruel Lasala, ang naatasan ng Department of Justice (DOJ) na humawak sa re-investigation ng kaso.

Habang sinusulat ito ay hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang kampo ni Ambrocio at ang NBI sa takbo ng pulong ngunit una nang tiniyak ni Atty. Lamba na isisiwalat ang lahat ng nalalaman sa naganap na pamamaril ni Leviste kay delas Alas upang maresolba nang tuluyan ang kaso.

Kapwa magiging kapaki-pakinabang umano sa kampo ng mga Leviste at delas Alas ang ibibigay na pahayag ng kanyang kliyente, ayon kay Lamba.

May mga ispekulasyon na nasa loob umano ng tanggapan ni Leviste si Ambrocio nang maganap ang pamamaril. Matapos ang krimen, naglaho na rin si Ambrocio na hindi nakuhan ng pahayag ng Makati Police na nagsampa ng kasong homicide laban kay Leviste. (Danilo Garcia)

Show comments