Ayon kay Pan, ang tracking team ay pamumunuan ni TMG Task Force Limbas Senior Inspector Hansel Marantan, chief ng Special Operations at Senior Inspector Joel Mendoza na makikipagkoordinasyon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Quezon City Police, Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) at iba pang PNP units.
Sinabi ni Pan na ang hakbang ay upang mapabilis ang pag-aresto sa suspect na nakilalang si Senior Supt. Rodrigo Bonifacio, administrative officer ng PNP-TMG at mailigtas ang biktimang si Chief Inspector Medel Pone, ng SWAT-Quezon City.
Si Bonifacio ay itinuturong nasa likod ng pagdukot sa biktimang si Pone sa nangyaring insidente sa tahanan ng isang Genevie Winters na matatagpuan sa Kalaw Tagbak St., Miranila Subdivision, Quezon City dakong alas-9:30 ng gabi noong Pebrero 1 ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Pan, si Bonifacio ay nasa official leave nang maganap ang pagdukot sa biktima.
Nilinaw naman ni Pan na hindi nila kukunsintihin si Bonifacio sa kasong kinasasangkutan nito.
Ayon pa kay Pan, si Bonifacio ay nagdu-duty sa TMG mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring linaw kung ano ang nangyari sa biktimang si Pone.
Magugunitang ibinalik pa ng grupo ng suspect ang sasakyang ginamit sa pagkuha sa biktima pero ito ay may bahid na ng mga dugo. (Joy Cantos)