Ayon kay Manila Deputy Mayor Don Bagatsing, ang tatlong oras na short time sa mga motel at hotel ay hindi papayagan upang maiwasan na rin na magtungo dito ang mga menor de edad at proteksyunan ang mga ito na mahulog sa tukso dahil sa magandang alok ng mga motels.
Sa ganito rin umanong panahon ay dagsa na ang mga bisita at turista sa motel at hotel dahil sa mababang alok ng presyo sa mga customer hindi lamang tuwing Valentines Day kundi maging kapag ordinaryong araw.
Karamihan sa mga Manileño ay nagdiriwang ng Valentines Day sa mga hotel at motel ng hindi bababa sa 12 oras dahil na rin sa mas makakatipid ito subalit ayon kay Bagatsing isa itong malinaw na paglabag sa ipinatutupad na city ordinance.
Bukod dito, inatasan na rin ni Bagatsing ang Manila Police District (MPD) na mahigpit na i-monitor ang mga hotel at motel sa Valentines Day at kapag nadiskubreng lumalabag sa ordinansa ang mga may-ari nito ay ipasasara ang kanilang establisimyento.
Katulong din ng MPD ang Business Promotion and Development Office (BPDO) na mahigpit na ipatupad ang no short time policy at inspeksyunin ang mga hotels at motels kung mayroong kaukulang business at mayors permit ang mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)