Dakong alas 6:00 ng umaga nang magsimula ang prayer vigil ng daang-daang katao kasama si Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Dante Jimenez sa Philsports Arena (ULTRA) upang ipagdasal ang kaluluwa ng mga nasawing mahal sa buhay.
Ayon kay Jimenez, nananawagan sila sa pamunuan ng ABS-CBN at sa staff ng WOWOWEE na huwag harangin ang preliminary investigation ng isinampang kaso laban sa kanila ng mga biktima ng nasabing stampede.
Dagdag pa nito na noong nakaraang linggo ay nakipagpulong sa kanya ang pamunuan ng istasyon hinggil sa ipinangako nilang livelihood project sa tulong ng kanilang foundation subalit hanggang ngayon ay pawang mga pangako lamang.
Magugunitang noong Pebrero 4, 2006 ay umaabot sa 71 katao ang nasawi at ikinasugat ng daan-daang pa matapos na magkaroon ng stampede ilang oras bago magsimula ang noontime show ng ABS-CBN na Wowowee na magdidiwang sana ng unang taong anibersaryo.
Matapos ang insidente ay sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and physical injuries ang mga opisyal ng istasyon na kinabibilangan nina Charo Santos-Concio, Executive Vice president; Maria Socorro Vidanes, Senior Vice-president for television production; Marilou Almaden, Wowowee Executive Producer; Cipriano Luspo, Assistant Vice-President at Head security ng ABS-CBN; at comedian Willie Revillame, Wowowee host. (Edwin Balasa)