Kinilala ng pulisya ang mga suspect na sina Erlinada Annover, 47; Magno Roxas, 54; Estela Galon, 31; Reynaldo Julaton, 46; Joan Santos, 31, pawang residente ng Valenzuela City at Antonio Pascual, 39, ng Caloocan City.
Ang mga suspect ang itinuturong responsable sa pagpatay sa mga biktimang sina Lydia Martin, 53 at Tomosiyo Reyes, 37, ng Gen. T. de Leon, Valenzuela City noong Enero 25, 2007 sa nasabing lugar.
Ang pagkakadakip sa mga suspect ay bunsod sa pag-amin ni Santos sa naturang krimen kay Chief Inspector Danilo Bugay, hepe ng Station Investigation Division.
Isinalaysay ni Santos kay Bugay kung paano nila plinano ang pagpatay sa mga biktima. Una umano ay noong Enero 24, 2007 sa may Concepcion, Marikina City sa loob ng isang videoke bar kung saan ipinagbigay-alam niya sa kanyang mga kasamahan sa pamamagitan ng text messages ang kinaroroonan ng mga biktima at maging ang mga suot nitong mga damit.
Noong Enero 25, 2007, isinagawa ang pagpaslang matapos na kumuha ng dalawang hired killers ang mga suspect . Dakong ala-1 ng hapon sa nasabing petsa habang nagpapahinga ang mga biktima sa labas ng tent ng Asis Compound sa Gen. T. de Leon nang pagbabarilin ang mga ito.
Pinaghahanap pa ng pulisya ang sinasabing mga binayarang dalawang hired killers.
Sa imbestigasyon ng pulisya lumalabas na land dispute o awayan sa lupa ang motibo sa pagpatay sa dalawang biktima. Nabatid na pinalayas ang mga suspect sa lugar na binabantayan ng mga biktima kaya plinano naman nilang patayin ang mga huli bilang ganti sa mga ito. (Ellen Fernando)