Kinilala ang suspect na si PO1 Ruben Baratas, 30, nakatalaga sa Police Community Precinct 5 ng Caloocan City Police at residente ng Sitio 6, Brgy. Catmon, Malabon City.
Ang suspect ay positibong itinuro ng mga saksi sa umanoy panghoholdap sa biktimang si Loise Palileo, 31, ng North Bay Boulevard South sa Navotas.
Base sa salaysay ni Palileo, dakong alas-10:45 ng umaga kamakalawa habang siya ay naghahatid ng perang kinita na nagkakahalaga ng P270,000 sa lotto outlet ng kanyang kapatid na si Tina sa may Agora Market, Navotas nang mapansin nito ang isang lalaki na nakasunod sa kanya.
Naging mabilis ang pangyayari nang bigla na lamang hablutin ang kanyang dalang bag na naglalaman ng nasabing halaga. Pero nakipagpambuno ang biktima sa suspect at humingi ng saklolo sa kapatid na agad namang tumulong.
Lumutang naman ang isang lookout ng suspect na may dalang .9mm baril at pinagtututukan ang magkapatid.
Isang security guard na si Richard Fulgada naman ang nakakita sa insidente kaya mabilis na itong sumaklolo hanggang sa paputukan nito ang suspect subalit minalas na tamaan ng ligaw na bala ang isang Mary Grace Bona, 20 na ginagamot ngayon sa Jose Reyes Memorial Center.
Matapos ito ay nagsitakas ang mga suspect sa C-3 Road patungong Bangus St. at iniwan ang dala nilang gate-away vehicle na Kawasaki motorcycle (TU-3148).
Bago ang panghoholdap ay pinigil sa checkpoint ang naturang motorsiklo ng tropa ng Police Community Precinct ng Navotas Police dahil sa kanina-hinalang kilos at may sukbit na baril. Nang magpakilala ang isa rito na isang pulis ay pinayagang makalusot subalit plano nilang holdapin ang biktima.
Nakilala si Baratas na kabilang sa dalawang suspect na nangholdap sa biktima base na rin sa testimonya ng isang Carolina Santiago, na positibong kumilala rito at naberipika na nasa pangalan ng isang Sharon Baratas, asawa ng suspect ang motorsiklong sinakyan ng mga ito sa panghoholdap. (Ellen Fernando)