Misis todas sa boga ni mister

Patay ang isang ginang makaraang tamaan ito ng bala ng baril sa katawan matapos na aksidenteng mahulog at pumutok ang ililigpit na baril ng mister na pulis, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Idineklarang dead-on-arrival sa Makati Medical Center sanhi ng isang tama ng bala sa katawan ang biktimang si Juliana Salcedo, residente ng 1 Sapatashi St. Bo. Balagbag ng nasabing lungsod.

Samantala kasalukuyan ding nasa nasabing pagamutan ang asawa nitong si SPO4 Ronald Salcedo, nakadestino sa Cotabato, matapos tumaas ang blood pressure dahil sa pangyayari.

Ayon kay PO3 John Maligat, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon sa bahay ng mag- asawa.

Nabatid na nakikipag-inuman si SPO4 Salcedo sa mga kaibigan sa tapat ng kanilang bahay at nang malasing ay tatlong beses na nagpaputok ng kanyang baril sa ere.

Matapos ang pagpapaputok ay pumasok na ito sa loob ng kanilang bahay at iniwan ang kanyang baril sa ibabaw ng lamesa ng kanilang pinag-iinuman sa labas.

Dahil naman sa takot na muling magpaputok ng baril ang asawa at may tamaan nagpasya ang biktima na kunin ito at iligpit muna.

Gayunman, habang bitbit ito ng misis papasok sa bahay ay aksidenteng nadulas ang biktima at nahulog ang hawak na baril.

Lalo pang minalas nang pumutok ang baril at tamaan ang biktima sa katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Dahil sa insidente ay posibleng makasuhan ang asawang pulis ng biktima ng reckless imprudence resulting to homicide, gayundin ng indiscriminate firing dahil sa ginawa nitong pagpapaputok ng baril sa labas ng kanilang bahay.

Show comments