Ayon kay Charie Bersamin, handa ang kanyang pamilya na magbigay ng pabuyang P 1.5-M para sa mabilisang ikadarakip ng mga killer ng kanyang ama.
Sinabi ni Charie na ang reward ay inilaan sa sinuman ang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng itinuturong suspek na sina dating La Paz, Abra Vice-mayor Freddie Dupo at Sonny Tacularo, driver ng get-away motorcycle na ginamit sa pagpatay sa kaniyang ama.
Nabatid na sa nasabing halaga, P800,000 ang nagmula sa donasyon ng mga kasamahang Kongresista ni Bersamin sa Mababang Kapulungan ng Kongreso; P200, 000 mula sa Philippine National Police (PNP) at P 500,000 mula sa nakalap na pondo ng pamilya at kaibigan ng pinaslang na solon.
Ang nasabing mga suspect ay ikinanta ng naarestong si dating ret. Army Sergeant Rufino Panday na nagsilbing look-out sa pamamaslang kay Bersamin at bagaman nauna nitong itinuro si Abra Governor Vicente Valera na mastermind sa pagpatay ay binawi niya ito.
Sinabi ni Charie na naghihinala umano ang kanilang pamilya na nasuhulan ng malaking halaga ni Valera si Panday kaya bumaligtad sa nauna nitong testimonya sa pulisya.
Ayon kay Charie , posibleng ipinapatay ang kanyang ama dahilan balakid ito sa political career ni Valera at higit na malapit sa puso ng kanilang mga kababayan si Rep. Bersamin.
"I want justice for my father," pahayag pa ni Charie.
Magugunita na si Bersamin ay pinaslang sa harapan ng Mt.Carmel Church sa New Manila, Quezon City noong Disyembre 16 matapos na mag-ninong sa kasal ng pamangking babae na si Pia. Sa nasabing insidente ay napatay rin ang bodyguard nitong si SPO1 Adelfo Ortega. (Joy Cantos)