Ayon kay Judge Elmo Alameda, ng Makati RTC Branch 159, inatasan niya ang Prosecutors Office ng Makati na magsagawa ng isa pang imbestigasyon sa pagkakapatay ni Leviste sa kanyang tauhan na si Rafael Delas Alas sa request na rin ng pamilya ng biktima.
Tinaningan din ni Judge Alameda ang city prosecutors ng hanggang 30 araw upang magsagawa ng imbestigasyon kung homicide o murder ang dapat ikaso kay Leviste sa pangunguna ni Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco na siyang mamumuno sa gagawing imbestigasyon.
Matatandaang bago ang arraignment sa kaso ay sinabi ni Atty. Alfredo Lazaro, abogado ng pamilya Delas Alas na dapat ay murder ang ikaso kay Leviste dahil sa ginawa nitong malapitang pagbaril sa biktima noong Enero 12 sa loob ng kanyang opisina sa LPL Tower sa Makati City.
Si Delas Alas ay nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan na siya nitong ikinamatay, ito ay natagpuang wala nang buhay sa loob ng opisina ni Leviste habang ilang oras ang lumipas ay sumuko ito sa Makati police kung saan nasa Makati City Medical Center.
Dahil dito hinihiling ng pamilya Delas Alas sa prosecutor na magsasagawa ng re- investigation na sana ay kumuha ng iba pang ebidensya para mapalakas ang posisyon ng pagsasampa ng murder charge kay Leviste. (Edwin Balasa at Danilo Garcia)