Kinilala ni Supt. Sotero Ramos Jr, hepe ng Marikina Police ang suspect na si Ephrain Apuan, residente ng B-91, Lot 21, Karangalan Village, Cainta, Rizal na nakatakdang kasuhan ng usurpation of authority at estafa matapos na ireklamo ng mismong kaanak ng kanyang kliyente.
Ayon kay Ramos, naaresto ang suspect dakong alas-9 ng umaga sa loob ng sala ni Judge Geraldine Macaraig ng Marikina RTC Branch 192 ng dumalo ito sa hearing ng kanyang kliyenteng si Jervie Daliwan na may kasong illegal drugs.
Nakilala ang suspect ng isa sa mga abogado na nasa loob ng court room at ibinulong kay Judge Macaraig na walang lisensya bilang abogado si Apuan.
Dahil dito hinanapan ni Judge Macaraig ng mga dokumento ang suspect na magpapatunay na siya ay lisensyadong abogado subalit wala itong maipakita kaya agad na humingi ng tulong sa pulisya ang hukom at ipinaaresto si Apuan.
Sa ginawang interogasyon ng pulisya ay inamin naman ni Apuan na hindi pa siya pumapasa sa bar subalit kumuha umano ito ng bar exam noong 2006 at hindi pa lumalabas ang resulta.
Inamin pa nito na mula pa noong 2005 ay tumatayo na rin siyang abogado at ilan na rin ang kanyang mga naging kliyente na hindi naman niya pinabayaan na madehado sa kaso. (Edwin Balasa)