Ayon kay QCPD director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula, tinutugis na ng kanyang mga tauhan si Janet Albalate kaugnay sa reklamong iniharap ng amo nito na si Susan Policarpio na sumunog sa kanilang bahay at apat na sasakyan matapos silang magkaroon ng mainitang pagtatalo.
Sa ulat ni Chief Insp. Oscar Villegas, hepe ng Quezon City Fire Dept., naganap ang sunog sa No. 40 Valiant St., Samaka Subd., Brgy. South Fairview, ng nasabing lungsod dakong alas-2 ng madaling araw.
Siniguro ni Policarpio na si Albalate ang gumawa ng panununog dahil kamakalawa dakong alas-9 ng gabi nang magwala umano ang huli matapos niya itong sawayin dahil sa pag-inom ng alak.
Nagising na lamang ang mga ito nang biglang may sumabog sa kanilang garahe at nadiskubreng sinilaban na pala ng suspect ang apat na sasakyan na mabilis na kumalat ang apoy sa bungalow type na bahay.
Sinabi pa ni Policarpio na nagsimula umanong manilbihan sa kanila ang suspect sa halos walong taon at hindi nila pinakitaan ng pagmamaltrato, gayunman ay naging pasaway ito at madalas ang ginagawang pag-inom ng alak.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na hindi naman nakadamay ng mga katabing residente. Wala ring naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente. Narekober sa fire scene ang ilang retaso na amoy gasolina na sinasabing ginamit umano ng suspect sa panununog. (Doris Franche)