Iprinisinta kahapon sa tanggapan ni SPD director Chief Supt. Roberto Rosales ang mga suspect na nakilalang sina Ex-PO3 Dennis Arenas, dating nakatalaga sa District Headquarters Support Group (DHSG), residente ng 33-G West Rembo, Makati City at Arlie dela Cruz, alyas Art Aguila ng Parañaque City.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling-araw kamakalawa matapos na magsagawa ng buy-bust operation ang anti-drug unit ng SPD sa kahabaan ng Quirino Avenue Brgy. San Dionisio ng nabanggit na lungsod hinggil sa talamak na pagbebenta ng shabu ni Arenas sa lugar.
Nabatid na isang police poseur-buyer ang bumili ng limang gramo ng shabu kay Arenas sa halagang P10,000 subalit nakatunog ang suspect na pulis ang kanyang binebentahan ng droga kaya mabilis itong tumakas na hinabol naman ng mga awtoridad.
Sa isinagawang hot pursuit ay pumasok si Arenas sa loob ng bahay ni dela Cruz na eksakto namang nagsasagawa ng shabu session kasama ang tatlo pang kalalakihan.
Hindi na nakawala pa sa mga awtoridad sina Arenas at dela Cruz, habang nagawa namang makatakas ng mga kasama ng huli na nakilala lamang sa pangalang Nonoy, Romy at Tolindoy.
Nasamsam sa mga ito ang may 2.5 gramo ng shabu.
Base sa ulat, si Arenas ay tinanggal sa serbisyo noong Setyembre 18, 2006 dahil sa hindi nito pagtupad ng maayos sa kanyang tungkulin at pagkakasabit sa droga. Si dela Cruz naman ay isa sa tatlong "Aguila Brothers" na kilala sa pag-ooperate ng lotteng, ending at EZ2 sa nasabing bahagi ng Metro Manila at si Arenas ay isa sa protector nito. (Edwin Balasa)