Kinilala ni Supt. Billy Beltran, hepe ng Valenzuela Police, ang biktima na si Josephine Taneo, 45, ng Blue Star Manpower Services na may tanggapan sa 311 A. Mangga St. , Muñoz, Quezon City at residente ng 9258 Espacio Bernardo, Champaca St., Mindanao Avenue Quezon City.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang anim na suspect na sakay ng dalawang motorsiklo na mabilis na tumakas matapos ang panghoholdap.
Ayon sa ulat ni PO3 Ronald Bautista, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente dakong alas-4 ng hapon habang tinatahak ng biktima ang kahabaan ng Brgy. Lingunan kasama ang kanilang messenger na sina Michael Torres at driver na si Romeo Valdez at sakay ng Delica Van (RBK-686).
Papunta ang grupo ni Taneo sa Lao Tire Manufacturing Corporation sa Valenzuela City para dalhin ang nasabing pera na pangsuweldo sa mga empleyado. Subalit pagsapit sa Rubber Master sa nasabing lugar ay biglang humarang sa sinasakyan ng mga biktima ang apat na suspect na armado ng di-mabatid na kalibre ng baril at tinutukan ang una sabay deklara ng holdap.
Agad na hiningi ng mga suspect ang dalang bag ni Taneo saka mabilis na nagsitakas sakay ng naghihintay na dalawang motorsiklo na minamaneho ng dalawa pang kasamahan nito.
Ayon sa pulisya, maaring matagal nang tinitiktikan ng grupo ang nasabing biktima dahil batid ng mga ito ang lugar at araw na pagdaraanan ng mga ito na indikasyon na planado ang nasabing operasyon. (Ellen Fernando)