Sinabi ni MMDA Chairman Bayani Fernando na ang lahat ng traffic police na dating nakatalaga sa Traffic Enforcement Group (TEG) ay natanggalan na ng deputization matapos masuspindi noong nakaraang taon ang Memorandum of Agreement na nilagdaan sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at ng MMDA.
Aniya, ang tanging dapat gawin ngayon ng mga ito ay magmantina sa daloy ng trapiko.Dapat umano na tanggihan ng driver ang hiling ng traffic enforcer o traffic policeman kapag hiningi o gustong makita ang kanyang lisensiya upang maiwasan ang mas mahaba pang diskusyon.
Gayunman, nilinaw ni Fernando na maaaring mangumpiska ng lisensiya ang mga MMDA traffic enforcers sa mga may mabibigat na paglabag sa batas trapiko o grave traffic offenders at may mga naka-pending na huli sa ahensiya na dapat nilang tubusin.
Naalarma ang MMDA sa license confiscation issue matapos makarating sa tanggapan ni Fernando na talamak pa rin ang paghuli na ginagawa ng mga traffic policemen na dating deputized ng ahensiya para manghuli ng pasaway na mga drivers.
Nauna na ring naglabas ng order si Fernando na isauli ng mga TEG members ang TVR booklets, handheld radios at sasakyan na ipinahiram ng MMDA sa TEG personnel habang nakababa ang indefinite suspension ng MOA.
Sa ilalim ng agreement na nilagdaan ng PNP at MMDA noong 1995, nagtalaga ng 1,000 uniformed traffic policemen ang PNP sa MMDA para umasiste sa pagmamantina sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metropolis at manghuli ng mga traffic violators. (Lordeth Bonilla)