Ayon sa pulisya, may nakuha silang impormasyon na isang kilalang tao mula sa Cagayan ang posibleng may kinalaman sa pamamaslang sa hukom sa tapat ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City dakong alas-6:15 kamakalawa ng gabi.
Tumanggi munang magbigay ng karagdagang detalye ang pulisya hinggil dito.
Nabatid na dating hukom ng MTC sa Baggao, Cagayan Province si Pattugalan, 64, at agad na nagpalipat sa QCMTC bunga na rin ng mga pagbabanta sa kanyang buhay.
Lumilitaw na minsan na ding inambush si Pattugalan subalit nakaligtas mula sa tama ng matataas na kalibre ng baril habang minalas namang namatay ang kasamang driver na si Alfonso de la Cruz.
Sa pahayag ni Eulogio Arizapa, driver ng jeep, nakasakay sa harapan ng kanyang pampasaherong jeep si Pattugalan patungong Quiapo nang biglang may dumikit na motorsiklong walang plaka at pinagbabaril ang biktima.
Dahil dito, agad naman niyang dinala sa East Avenue Medical Center ang biktima subalit namatay din ito habang ginagamot.
Idinagdag pa nito na hindi naman niya namukhaan ang mga suspect dahil na rin sa bilis ng pangyayari.
Hindi naman kumbinsido ang pulisya na hired killers ang mga pumatay kay Pattugalan dahil hindi naman sa ulo ito binaril kundi sa tagiliran. Kadalasan umanong sa ulo ang tama ng mga pinapatay ng mga hired killers.
Sa kabila nito, nagsasagawa pa rin ng follow up operation ang pulisya hinggil dito.