Pamilya delas Alas duda sa confinement ni Leviste

Pinagdududahan ng pulisya at ng mga kaanak ng biktimang si Rafael delas Alas ang kondisyon o ang pagka-confine ni dating Batangas Governor Jose Antonio Leviste sa ospital ng halos isang linggo.

Ayon sa pamilya delas Alas, posibleng nagdadahilan lamang ang dating gobernador upang hindi makulong matapos nitong mabaril at mapatay ang kanyang administrator noong Biyernes ng tanghali.

Nabatid na noong Martes ay sumulat si Supt. Gilbert Cruz, hepe ng Makati City Police sa Philippine National Police (PNP) General Hospital upang humingi ng second opinion hinggil sa kalagayan ni Leviste.

Nabatid na halos mag-iisang linggo nang naka-confine sa Makati Medical Center si Leviste matapos atakihin ng high blood bunsod ng naganap na krimen.

Base na rin sa findings ng attending physician ni Leviste kailangan muna nitong magpagaling at hindi muna maaaring ikulong.

Ayon pa sa pamilya delas Alas, hihilingin nila na magkaroon ng independent findings sa confinement o kondisyon ni Leviste upang matiyak na walang itinatago ang dating gobernador.

Samantala, umabot naman sa walong oras ang muling pag-awtopsiya sa bangkay ni delas Alas na isinagawa ni UP Pathologist at Forensic Expert na si Dr. Racquel Fortun.

Ayon kay Dinna delas Alas, anak ng biktima, malaki ang tiwala nila kay Fortun at naniniwala sila na lalabas ang katotohanan na kasong murder at hindi homicide ang dapat isinampa kay Leviste.

Matatandaan na nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril ang biktima sa ulo at katawan kung saan ang dalawa na point of entry nito ay mula sa tuktok at sa likod ng ulo ng biktima.

Hindi umano sila kumbinsido na self- defense ang pagkamatay ng biktima dahil na rin sa dami ng tama ng bala ng baril nito sa ulo at katawan.

Anila, kung self-defense ang nangyari, hindi ganoon karami ang tama ng baril sa katawan ng biktima.

Umaasa naman ang pamilya nito na hindi paiimpluwensiya ang mga pulis kasabay ng kanilang isinasagawang imbestigasyon lalo pa’t kitang-kita naman ang ebidensiya. (Lordeth Bonilla)

Show comments