Kaugnay nito, hinihimay na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ebidensiya para madetermina kung maiaakyat sa murder ang kaso ni Leviste na humingi sa kanila ng tulong ang pamilya ng nasawi.
Ayon kay NBI- National Capital Region chief Atty. Ruel Lasala na hinihintay nila ngayon ang kopya ng rekord ng imbestigasyon ng Makati Police na naglalaman ng mga ebidensiya at mga testimonya ni Leviste at mga saksi kabilang na ang sekretarya nito na si Nelia Gonzales at abogadong si Rex Sandoval.
Base umano sa testimonya ni Gonzales, narinig nito na nagtatalo ang dalawa ukol sa isang milyong piso na hinihingi umano ni delas Alas kay Leviste na tinanggihan naman ng huli. Sinabi naman ni Sandoval na narinig niyang sumigaw si Leviste habang papaalis ng opisina na tinangka umano siyang barilin ni delas Alas.
Hinihintay ngayon ng NBI si Atty. Carlo Dugayo, abogado ng mga delas Alas upang ihatid sa kanila ang kopya ng Makati investigation. Dito umano sila magsisimula bago magsagawa ng ibang aksyon at bumuo ng kanilang konklusyon.
Naniniwala ang pamilya delas Alas na murder dapat ang kasong isampa kay Leviste dahil sa natadtad ng tama ng bala ng baril ang biktima kabilang na ang tama sa batok patunay na binaril ito ng nakatalikod.
Sa kabila na na-inquest na si Leviste, hindi pa rin ito makukulong dahil may request pa ang attending physician nito sa pulisya at piskalya na dapat munang magpagaling ito sa ospital dahil sa sakit na alta-presyon matapos nitong mapatay si delas Alas. (Danilo Garcia At Lordeth Bonilla)