Sa pamamagitan ng kanyang discharge form mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nakilala ang isa sa mga suspect na si Louie Anthony Alaban, 24. Dead on arrival ito sa East Avenue Medical Center habang inaalam pa ng pulisya ang identification ng dalawang iba pa. Isa din ang pinaghahanap matapos na makatakas.
Sa ulat ni Insp. Angelo Nicolas, hepe ng Anti-Carnapping Unit ng QCPD, naganap ang insidente dakong alas-3:10 ng madaling-araw sa panulukan ng Mother Ignacia at Timog Ave. sa Quezon City.
Nauna rito, sumakay ang apat na suspect sa Quezon Ave. sa Crimson taxi na may plakang TYD-345 na minamaneho ni Ronald Alinon at nagpapahatid sa Camp Crame.
Subalit pagsapit sa fly-over ng Kamuning ay agad na nagdeklara ng holdap ang mga suspect, piniringan ang kanyang mata at saka pinababa.
Mabilis na tinangay ng mga suspect ang kanyang kinitang pera at minamanehong taxi hanggang sa makahingi siya ng tulong sa mga pulis.
Agad namang nagsagawa ng responde ang mga tauhan ni Nicolas kung saan nagkaroon ng habulan.
Nabatid naman kay QCPD director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula na agad na pinaputukan ng mga suspect ang mga nagrespondeng pulis kung kayat napilitan ang mga awtoridad na gumanti ng putok na ikinasawi ng tatlong suspect habang mabilis namang nakatakas ang isa pa.
Nakuha mula sa crime scene ang dalawang home-made gun, isang .22 caliber at granada.
Ipinaliwanag ni Gatdula na nauuso na naman ang holdapan at carjacking bunsod na rin ng nalalapit na eleksiyon na kadalasang ginagamit ng mga pulitikong pondo.
Aniya, inaasahan na rin nila ang ganitong mga insidente kung kayat lalo pa niyang pinaiigting ang checkpoint at roving ng mga mobile patrol upang hindi makapagsagawa ng operasyon ang mga sindikato.