Patay na nang idating sa Alabang Medical Center sanhi ng ilang tama ng bala sa katawan buhat sa kalibre .38 baril ang biktimang si Rodolfo R. De Ocampo, inspector ng Saint Rose Bus Transit, taga Bo. 1, Crossing, Calamba, Laguna.
Sugatan at nilalapatan ng lunas sa nabanggit na pagamutan si Joel Cammayo, 31, konduktor ng Pandacan Bus Transport na nagtamo din ng tama ng bala sa katawan.
Sumuko naman sa pulisya ang suspect na sekyu na si Victor Cainguitan, 35, ng San Pedro, Laguna, nakatalagang guwardiya sa naturang bus terminal.
Sa imbestigasyon ni SP04 Mario Tubon Sr., ng Criminal Investigation Unit (CIU), Muntinlupa City Police, naganap ang insidente dakong alas- 9:20 ng umaga sa Saint Rose Bus Terminal, National Road, Alabang, Muntinlupa City.
Nabatid na nag-ugat ang pamamaril nang sitahin ng guwardyang si Cainguitan si Cammayo, dahil nakaharang at nagiging sanhi ng matinding traffic sa nabanggit na lugar ang bus nito na kung saan siya ang konduktor.
Nagalit si Cammayo sa paninita ng nabanggit na guwardya, kung kayat nagtawag ito ng iba pang kasamahang driver at konduktor na naging dahilan upang gulpihin nila si Cainguitan.
Nagkataon naman na naroon ang biktimang si De Ocampo at inawat niya ang grupong gumugulpi kay Cainguitan, dahil dito nagpakawala ng warning shot ang naturang guwardya at aksidenteng tinamaan si De Ocampo, na naging sanhi ng kamatayan nito. Dahil si Cammayo ang pinagmulan ng gulo, binaril din ito ni Cainguitan. (Lordeth Bonilla)