Ayon kay Supt. Sotero Ramos Jr., hepe ng Marikina police, kahapon ng hapon ay lumutang ang isang kapitbahay na hindi na pinangalanan upang isiwalat ang pagpatay at pagbaon sa biktimang si Arlyn Lacaba, 39, noong Disyembre 22 na pinatay ng kanyang asawang nakilala sa pangalang Enrico Lacaba sa tulong ng dalawang kasamahan sa trabahong sina Cayetano Natividad, 19; at Eric, Garcia, 32, pawang mga caretaker ng isang lupa sa Santolan St., La Colina Subd., Brgy. Fortune ng lungsod na ito.
Matapos makumbinsi sa isinagawang interrogation ay agad na nagtungo si Col. Ramos at mga tauhan sa nasabing lugar upang arestuhin ang mga suspect subalit dalawa lamang sa mga ito ang nadakip na nakilalang sina Enrico, asawa ng biktima; at Natividad, habang pinaghahanap pa si Garcia.
Nabatid sa salaysay ng saksi na nasa kalagitnaan ng pag-iinuman ng mga suspect noong gabi ng Disyembre 22 nang inutusan ni Lacaba ang asawa na maglaba ng maruruming damit subalit tumanggi ito dahil walang kasama ang tatlo nilang anak na nasa edad 6, 4 at 2-anyos. Dahil sa pagtanggi ng biktima ay nagalit umano ang asawa at kumuha ng screw driver at pinagsasaksak ang babae. Tumulong na rin ang dalawa pa nitong kainuman at nakisaksak na rin sa biktima.
Matapos mapatay ay agad na binalot ang bangkay at magkatulong na humukay sa bakanteng lote na kanilang binabantayan at ibinaon doon ang katawan ng biktima.
Sa himpilan ng pulisya, umamin ang dalawang suspect at habang sinusulat ang balitang ito ay nakatakdang hukayin ang bangkay ng biktima sa pinagbaunang lote. (Edwin Balasa)