Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen sanhi ng tinamong 20 tama ng bala ng baril buhat sa kalibre .45 at 9mm na baril ang biktimang si PO2 Pio Horada, nakatalaga sa Quezon City Hall Detachment at residente ng Parkwood Hills Subdivision, Violago Homes, Brgy. Payatas, Quezon City.
Isinugod naman sa Far Eastern University Hospital ang asawa nitong si Elsie sanhi ng mga daplis ng bala sa likod at ang guwardiya sa nasabing subdibisyon na si Reynaldo Miraflor na tinamaan naman sa kanang braso.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang ambush dakong alas-8:20 ng umaga sa mismong gate ng Violago Subdivision sa Brgy. Payatas sa Quezon City.
Nabatid na sakay ang mag-asawa sa kanilang puting Mitsubishi Lancer na may plakang TLK-614 at kalalagpas pa lamang sa outpost ng mga guard nang bumungad sa kanilang harapan at tagiliran ang may limang armadong suspect.
Hindi na pinaporma pa ng mga suspect ang biktima at agad na pinaulanan ng bala ng baril.
Rumesponde naman ang sekyu na si Miraflor ngunit maging siya ay binaril din ng mga suspect.
Nang makatiyak na patay na ang biktima, sumakay ang mga suspect sa isang pampasaherong jeep patungong Montalban.
Narekober ang may 20 empty shells ng kalibre .45 at 9mm na baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung ano ang motibo sa pamamaslang. Nabatid na si Horada ay pangulo ng Tricycle Operators and Drivers Association sa kanilang lugar.
Binanggit naman ni Col. Nestor Abalos, hepe ni PO2 Horada na tinitingnan din nila ang anggulo ng robbery dahil sa may pautang umano ang pulis at kinuha rin ng mga salarin ang clutch bag na dala nito. (Doris Franche)