Sa kabila ng kontrobersiya: 3 kontraktor ng basura, inaprubahan

Matapos na maging kontrobersiyal ang proyekto sa basura, na dahilan nang pagkasuspindi ni Pasay City Mayor Wenceslao "Peewee" Trinidad, bise alkalde nito at ng 12 konsehal, inaprubahan ni Acting Mayor Allan Panaligan ang tatlong panibagong kontrata ng garbage disposal para sa 201 barangay ng naturang lungod.

Ayon kay Panaligan ang pag-apruba sa mga nasabing kontrata ay solusyon sa lumalalang problema sa basura sa Pasay City, na isa sa problemang kinakaharap ngayon ng pamahalaang lungsod.

Nabatid na, ang mga inaprubahang kontraktor ay ang R.M. Maintenance Services, Halrey Construction Inc. at Greenline Onyx Envirotech Phils., Inc. Ang nabanggit na mga kontraktor ang siyang mamamahala sa koleksiyon ng basura ng 201 barangay sa Pasay City

Umaabot sa mahigit sa P171 million halaga ng kabuuang kontrata ang naaprubahan ng kasalukuyang pamahalaang lungsod mas nakayipis ng mahigit sa P100 million at mas mura aniya kaysa sa naunang kontraktor, na nagkakahalaga ng mahigit sa P278 million

Matatandaan na ang isyu sa basura din ang naging dahilan ng suspensiyon nina Trinidad, Vice Mayor Antonio Calixto at 12 konsehal matapos nilang aprubahan ang umano’y maanomalyang kontrata. (Lordeth Bonilla)

Show comments