Deboto ng Nazareno dumagsa na sa Quirino Grandstand

Nagsimula ng bumuhos kamakalawa ng gabi ang daan-daang mga deboto sa tapat ng Quirino Grandstand sa Luneta kung saan uumpisahan ang prusisyon patungo sa Simbahan ng Quiapo. Nakasuot ang mga deboto ng kulay "maroon" na t-shirt na may imahe ng Nazareno.

Doble naman ang higpit na ipinapatupad ng Manila Police District sa paligid ng Simbahan ng Quiapo at mga daraanan ng prusisyon upang matiyak na walang magaganap na karahasan. Nagpatupad na rin ng re-routing sa mga motorista ang Traffic Command.

Sa mensahe naman ni Msgr. Josefino Ramirez, Quiapo Parish priest sa mga deboto, pinaalalahanan nito ng leksyon sa pagmamahalan at pagbibigayan habang hinihila ang karosa ng Nazareno. Kailangan umano ng pagkakaisa sa bawat hila ng lubid upang makausad ang karosa ng maayos at hindi bumagsak.

Dakong alas-4:30 ng hapon ng Enero 8 azy ilalabas na sa Quiapo Church ang Black Nazarene kung saan ito ay idadan ng Quezon Bridge diretso sa P. Burgos hanggang Luneta kung saan magsasagawa ng overnight vigil. Kinabukasan ng Enero 9 magkakaroon ng misa sa Luneta simula alas-7:00 ng umaga at alas-12:00 ng tanghali sisimulan ang prusisyon sa Black Nazarene.

Mula sa Quirino Grandstand ay dadaan ng Independence Road kakanan sa Katigbak St. diretso sa P. Burgos St.; tuluy-tuloy sa McArthur Bridge; Carlos Palanca St.; P. Gomez St.; P. Paterno St.; Quezon Boulevard; Carlos Palanca St.; Arlegui St.; Praternal St.; Vergara St.; Duque de Alva St.; Castillejos St.; Farnesio St.; J. Nepomuceno St.; C. Aguila St.; Parcer St.; R. Hidalgo St.; Bilibid Viejo; Gil Puyat St.; Z. P. de Guzman St.; Barbosa St.; Globo de Oro Ave.; Villalobos St. at dire-diretso na sa Plaza Miranda. (Danilo Garcia)

Show comments