Kinilala ang suspect na sina Edmundo, 54, at Jaime Lumabas, 60, kapwa mga restiradong US Navy at naninirahan sa Agapita St., Gen. T. de Leon sa lungsod.
Inoobserbahan naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Crisanto Lacsamana, 31, ng 1291 Rosario St., Gen. T. de Leon, Valenzuela City dahil sa tama ng saksak sa tigiliran.
Magkagayunman, naghain din ng reklamong physical injuries ang magkapatid na Lumabas laban sa mga suspect na sina Lacsamana; Mel Casalla, 31; Allan Lacsamana, 31, na mga nasa kustodiya na ng awtoridad; Leopoldo Lacsamana; at Roberto dela Peña; pawang mga nakakalaya pa.
Lumilitaw sa imbestigasyon nina SPO2 Angeles Miranda at PO3 Richard Bautista, ng Valenzuela Police, base sa testimonya ng grupo nina Lacsamana, nag-ugat ang pananaksak sa biktima nang magkaroon ng argumento sa hindi malamang kadahilanan ang magkapatid na Lumabas at Casalla ganap na alas- 10:30 ng gabi.
Nang tumindi ang argumento ay tinangkang awatin ang mga ito ni Lacsamana na ikinagalit ng batang Lumabas at naglabas ng patalim at sinaksak ang huli sa tagiliran. Sinasabing nang saksakin ni Edmundo ang biktima ay sumisigaw naman ang kapatid nitong "Sige patayin na yan."
Samantala, ayon naman sa magkapatid na Lumabas una umano silang ginulo ng grupo ni Lacsamana matapos na pagbabatuhin sila ng mga ito ng bato sa harap mismo ng kanilang bahay dahilan para mauwi umano sa gulo hanggang sa humingi ng saklolo sa pulisya ang kaanak nilang si Aniceta Lumabas at maaresto sina Casalla at Allan. (Ricky Tulipat)