Kinilala ni Malabon Fire Department ang mga nasugatan na sina Calito Siazon, 18 at Anna Marie Sarmiento, 43, kapwa naninirahan sa Gov. Pascual Sitio 6, Brgy. Catmon ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ang mga ito ng mga lapnos at paso sa katawan.
Ilan sa mga residente ang na-trap sa kanilang bahay subalit nagawa ring mailigtas ng ibang residente na nagkagulo na rin sa paglikas ng kanilang mga kagamitan.
Ayon sa ulat ng mga fire investigators, dakong alas-11:45 ng umaga nang biglang makarinig ang mga residente ng isang malakas na pagsabog kasunod ng paglaki ng apoy sa nasabing barangay.
Nabatid na madaling kumalat ang apoy dahil sa marurupok ang mga bahay na magkakakadikit sa lugar. Umabot sa Task Force Charlie ang alarma ng sunog. Kasalukuyan pa ring inaalam ng mga imbestigador ang pinagmulan ng sunog. (Ellen Fernando)