Manghihilot binoga sa loob ng bahay

Hinahanting ngayon ng mga operatiba ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Division (QCPD-CID) ang tatlong suspect na responsable sa pamamaril at pagpaslang sa matandang manghihilot, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Alexandra Agustin, 64 at residente ng Rado St., IBP Road, Brgy. Commonwealth, Quezon City bunga ng tinamong apat na tama ng bala ng .38 kalibre ng baril sa mukha at iba pang bahagi ng katawan.

Base sa paunang report ng Batasan Police Station, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang malagim na insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Nabatid na kasalukuyang nananahi ang matandang biktima nang bigla na lamang umanong pasukin ng dalawang lalaki habang ang isa naman ay nagsilbing look-out sa labas ng bahay.

Hanggang sa nakarinig na lamang ng sunod-sunod na putok ang mga residente at doon natuklasan ang nakahandusay na katawan ng biktima.

Mabilis naman nagsitakas ang mga salarin.

Ayon naman sa Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa mukha, braso at katawan, habang dinala rin ng mga ito ang mga basyo ng bala upang masuri.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na pamamaslang habang patuloy naman hinahanap ang mga nakalalaya pang salarin. (Doris Franche) 

Show comments