Dakong alas-10:30 ng umaga nang dalhin si Valera ng kanyang mga custodial mula sa Camp Crame, na dito ito nakulong mula pa noong Sabado at dalhin sa Quezon City Regional Trial Court kung saan nahaharap ito sa kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa naman ng Department of Justice (DOJ).
Matatandaan na si Valera ay naaresto noong Biyernes ng gabi matapos na mapansin ng mga awtoridad na walang plaka ang gamit nitong luxury cars na Chevrolet Suburban.
Nang inspeksiyunin ang sasakyan nito, nadiskubre ang matataas na kalibre ng baril na kinabibilangan ng limang .45 caliber pistols, fully-loaded na MP-5 submachine gun at ilang fragmentation grenade na walang kaukulang mga papeles.
Agad namang inamin ni Valera na kanya ang mga baril subalit itinanggi nito na sa kanya ang nakuhang granada.
Si Valera ay magugunitang itinuturo ng naarestong suspect na si Rufino Panday, na umanoy nag-utos sa kanila para patayin si Abra Congressman Luis Bersamin Jr. kapalit nang kabayarang P5 milyon.
Itinatanggi ito ni Valera, kasabay pa nang pagsasabing wala siyang kinalaman sa pagpaslang kay Bersamin na isang malapit na kamag-anak.
Magugunita na pinatay si Bersamin at ang bodyguard nito matapos na dumalo sa kasal ng kanyang pamangkin na anak ni Court of Appeals Justice Lucas Bersamin noong Disyembre 16 sa Mt. Carmel Church sa New Manila , Quezon City.
Kaugnay nito, humihingi rin ng security si Valera sa PNP matapos namang makatanggap ito ng sunud-sunod na pagbabanta sa kanyang buhay makaraang madawit sa pagpasalang sa Kongresista.