Mag-utol tinarakan ng bebot na nakagitgitan

Hindi umubra ang tikas ng magkapatid na lalaki, isa nga rito ang bodyguard ni dating Pangulong Fidel Ramos makaraang kapwa sila saksakin ng isang babaeng driver na kanilang nakagitgitan ng sasakyan sa Malate, Maynila.

Kapwa ginagamot sa Ospital ng Maynila ang magkapatid na sina Alfredo Dodines, bodyguard ni FVR at Wilfredo Godines, 38, ng Cubao, Quezon City.

Nakatakas naman ang hindi nakikilalang bebot na suspect na sakay sa kanyang owner-type jeep na hindi rin nakuha ang plaka.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-2 hanggang alas-3 ng madaling-araw sa kahabaan ng Coastal Road sa Parañaque.

Sakay ng Honda CRV ang magkapatid na Godines nang makagitgitan ang suspect. Nagkaroon ng habulan hanggang sa umabot sa may Roxas Boulevard sa tapat ng Bangko Sental ng Pilipinas sa Malate, Maynila.

Dito hinarang ng magkapatid na Godines ang jeep ng babae. Nilabas ng dalawang biktima ang suspect na lingid sa kanilang kaalaman ay armado ng patalim. Nang makalapit ang magkapatid ay agad silang inundayan ng saksak ng bebot at saka ito mabilis na tumakas.

Agad namang nadala sa pagamutan ang magkapatid. (Danilo Garcia)

Show comments