Ayon kay Las Piñas Fire Marshal Robert Pacis, dakong alas-12:05 ng madaling-araw nang mag-umpisang magliyab ang Mary Immaculate Parish Church sa Moonwalk Village ng Las Piñas.
Nabatid na dahil sa mga inihahagis na paputok ng mga residenteng nagkakasiyahan ay natalsikan ang bubong ng simbahan ng baga ng paputok dahilan upang agad itong magliyab. Agad namang rumesponde ang mga bumbero subalit dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay agad na lumiyab ang buong gusali ng simbahan hanggang sa tuluyang maabo ito.
Umabot naman sa mahigit sa isang oras ang sunog bago ito naideklarang under control ng mga bumberong rumesponde. Wala namang nadamay na kabahayan sa nasabing sunog habang tinatayang aabot sa P1M ang halaga ng mga ari-arian na naabo sa nasabing insidente. Bukod dito ay wala ring nasugatan o nasawi sa nasabing sunog. (Edwin Balasa)